Isang kilalang empleyado ng Pamantasang De La Salle sa Maynila si G. Rio Miranda. Ngunit, pilit niyang tinatakasan ang kaniyang madilim na nakaraan. Labing-anim na taon na ang nakararaan mula nang siya’y lumagay sa tahimik, sa pag-aakalang mapapagaan nito ang suliraning kaniyang hinaharap – ngunit sa halip na makatulong iyon sa kaniyang pagbabagong-buhay ay mas lalo siyang binubulabog ng mga sumunod na nangyari sa buhay niya.
Ito ay dahil sa ang kaniyang nag-iisang anak na si Felize, 16 taong gulang, na Brother President Scholar sa nasabing pamantasan, ay nagdududa sa tunay na pagkatao ng kaniyang ama. Dagdag pa rito ang pagkakaibigang nabuo sa pagitan ng dalaga at ng kamag-aral nitong si Samuel Morris Park, na noong mga panahon na iyon ay 17 taong gulang na.
Bukod kay Samuel, unang nakilala ni Felize sa pamilya ng mga Park ang mga kapatid nito. Buong kagalakan niya noong malamang ang isa sa mga ito ay ipinangalan kay San Juan Bautista de La Salle. Sa kabilang banda, buong pagtataka naman ang naramdaman ng kaniyang puso nang hindi masiyahan ang ama sa ibinahagi niyang kuwento ukol sa pamilya ng mga Park.
Samantala, napakiramdaman ni Rio na mas lalong bibigat ang mga problema niya kung makikipaglapit pa si Felize sa pamilya ni Samuel, kaya nagpasiya siyang higpitan ang dalaga. Sinong ama ba naman ang nasasaktan kapag nakikita niyang nahihirapan ang kalooban ng kaniyang anak? Ngunit masakit man din ito para kay Rio, kailangan niya lang namang pairalin ang kaniyang pagiging ama. Nais lamang niyang maging patas. Ngunit tiyak na hindi ito kailanman mauunawaan ni Felize, lalo na’t nakasalalay rito ang ikakikilala sa kaniya ng kaniyang unica hija.
Ngunit hindi natutulog ang Diyos sa kaniyang mga nakaraang pagkakamali. Sadyang ipinaaalaala na sa kaniya ang kaniyang naging kabuktutan. Mga gawang di niya akalaing magagawa niya. Katunayan, paulit-ulit nang sumasagi sa kaniyang isipan, kaugnay ng kuwento sa kaniya ni Felize, ang mga nasirang pangarap nila ng kaniyang dating katipan 17 taon na ang nakalilipas.
Dahil na rin sa labis na paghihirap ng kaniyang kalooban sa pagkawala nito, inalam ni Rio ang tunay na nangyari. Ang huling nabalitaan niya, nagdadalantao ito nang ikasal at nanganak makalipas ang siyam na buwan. Dahil sa nalamang ito, nagkaroon siya ng pag-asang baka siya ang ama ng dinala nito habang inihaharap ito sa tribuna.
Dagdag pa sa kaniyang mga pasanin ang biglang pagbabago sa pakikitungo sa kaniya ng kaniyang nag-iisang anak. Naging matigas na rin ang ulo nito. Katunayan, ipinagpatuloy nito ang pakikipagkaibigan kay Samuel. Kaya naman isang araw, nagpasiya siyang hanapin si Samuel para ito’y pagsabihan na layuan ang kaniyang anak.
Ngunit iba ang kaniyang inaasahan. Nang makita ang taong pinaiiwasan niya kay Felize ay nakaramdam ito ng lukso ng dugo.
“Napakaliit nga naman ng mundo”, ani Rio. “Nilalapitan na rin ako ng pagkakataon. Ano itong nararamdaman ko? Nakikinita kong may kailangan pa akong malaman tungkol kay Samuel at sa pamilya niya. Kailangan ko nang kumilos!”
Pagkakataon nga naman. Muli niyang nakita si Samuel makalipas ang dalawang araw. Sa layuning makilala pa ito ng husto ay inalok niya itong sumabay sa kanilang mag-ama sa kotse niya. Dahil kilala na siya nito at malapit sa kanya ang kamag-aral na si Felize ay iniisip ni Rio na mapapapayag niya rin ito. At ganoon nga ang nangyari.
Nang narating nila ang simpleng tahanan ng mga Park, ay bumaba na ng sasakyan ang tatlo. Sa paglabas ng Rio ng sasakyan, ay may bumulaga sa kaniyang harapan. Para kay Rio, pamilyar ang taong nilapitan ni Samuel. Tinitigan niya itong maigi. Tama. Tama. Kilala niya ito di lang dahil ina ito ng binata.
Noong batiin niya ito, nagtinginan ang dalawang mag-aaral ng DLSU.
Sa paghaharap nina G. Rio Miranda at Propesor Chin-Chin Park, nasaksihan ng kanilang mga anak ang mala-korteng pagtatalo nila. Napakiramdaman ni Miss Chin-Chin na muling nag-init ang kaniyang dugo sa ama ni Felize matapos ang 17 taon niyang pananahimik.
No comments:
Post a Comment