Para sa akin, ang isang ekspresyon ay ‘malayang pagpapahayag ng mga saloobin ukol sa napapanahong paksa o isyu, mapa-personal man ito o sosyal, emosyonal, ispirituwal o panlipunan. Sa pamamagitan nito, maipaparating nito ang isang mahalagang mensaheng dapat mabigyang-pansin.
Sa kasalukuyan, marami tayong ekspresyong naririnig at nakikita na kung minsan ay hindi nakasusunod sa pamantayang ipinatutupad ng mga may-kapangyarihan.
Katunayan, sa mahigit isang taon kong pamamalagi sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), ay nagamit ko ang mga paraan ng pagmamasid na natutunan ko noong ako ay nasa hayskul pa. Agad kong nakita ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga mag-aaral sa mga gusaling nagsilbing pangalawang tahanan ng mga Lasalyano. Masasabi kong nasa hanay ng School of Hotel, Restaurant and Institution Management (SHRIM) ang mga pinakadisiplinadong mag-aaral. At noong ako ay minsang magklase sa Angelo King International Center (AKIC) noong Nobyembre 5 ay mas lalo kong napatunayan na tama ang natuklasan ko.
Maging ang kalapit nating paaralan, ang Pamantasang De La Salle, ay hindi ko rin pinalagpas. Mula noong Setyembre 2009, tatlong buwan kong pinag-aralan ang kilos, galaw at pananamit ng mga mag-aaral doon. Unang nakatawag ng pansin sa akin ang isang estudyanteng naka-sleeveless tank top at bigla kong naalala ang Student Handbook na matagal ko nang hinahanap. Bukod pa rito, nakaagaw rin ng aking atensyon ang isang estudyanteng lalaki na naka-tsinelas lang. Naisip ko tuloy na “hindi masyadong pinagbabawalan ang mga mag-aaral ng DLSU na magsuot ng ganoon, taliwas sa mahigpit na ipinatutupad ng DLS-CSB.” Sana nagkamali ako ng konklusyon ukol sa bagay na iyon.
Balikan natin ang Benilde. Masaya sana ako’t mayroon na akong klase sa gusali ng School of Design and Arts (SDA) ngunit naalala ko ang pagmamasid na ginawa ko roon. Bagaman hindi pinagko-corporate attire ang mga mag-aaral doon, tulad ng mga estudyante ng SHRIM, School of Management and Information Technology (SMIT), School of Multidisciplinary Studies (SMS) at School of Professional and Continuing Education (SPaCE), natuklasan kong napakaraming mga mag-aaral ng SDA ang lantarang lumalabag sa Dress Code na ipinatutupad ng Office of Student Behavior (OSB). Tila ba mga walang pakialam ang mga naroon kung ano ang isinasaad ng Student Handbook. Wala ring pakialam ang iba kahit pa ipa-DO sila. Ang tanging dahilan: Upang ilabas ang kanilang ekspresyon. Upang maipakita nilang IBA SILA. Unique, kumbaga.
Sa puntong ito, dapat tayong maging mapanuri sa ating mga ekspresyon, lalo na’t may mga pagkakataong hindi natin namamalayang lumalagpas na pala tayo sa ating mga limitasyon, dahilan upang maabuso natin ang karapatan natin sa paglalabas ng ating mga saloobin. Higit sa lahat, dapat nating alalahanin na ang isang ekspresyon ay may pamantayan ding sinusunod. Ito ay nararapat ilagay sa isang maayos na paraan.
Kaya sa mga kasama ko sa Student Council (SC), bilang bagong kasapi nito ay nananawagan ako na kung maaari ay maging mapagmatiyag tayo sa ating paligid at paalalahanan natin ang mga nakakalimot sa mga tuntuning ipinatutupad sa ating pamantasan. At higit sa lahat, nawa’y magsilbi tayong magandang halimbawa sa ating kapwa upang mapaunlad ang kaayusan at disiplina sa loob at labas ng Benilde.
No comments:
Post a Comment