Sadyang napakabilis nga ng mga pangyayari sa buhay ni Helen. Dalawang taon lang ang nakararaan mula noong may nakilala siyang kaibigan. Noong una’y lubusan ang suportang ibinibigay nito sa kanya, katunayan nito’y bukod sa kanyang pamilya ay isa ito sa mga taong pinagkakatiwalaan niya ng kaniyang mga plano. Naisip noon ni Helen na mas magiging madali para sa kaniya na makapasok sa paaralan na talagang gustung-gusto niyang pasukan kung hihingi siya ng isang backup dito.
Laking tuwa nito nang malamang natanggap si Helen sa pamantasang iniaalok nitong pasukan. Anito, “Alam mo Helen, sobrang proud na proud ako sa’yo. Kung sakaling magkaproblema ka ay nandito lang akong parati para tulungan ka.”
O, ‘di ba? Mabubulaklak na mga kataga, ano, ha? Kung tutuusin, kung ibang tao si Helen ay agad na niyang pinagdudahan ang mga sinasabi nito. Pero dahil sa likas na mabait si Helen ay agad niya itong nakapalagayang-loob.
Nakatutuwang isipin na hindi agad mag-iisip ng kung anu-ano ang ngayong 17-anyos na dalagitang ito. Dahil walang masyadong karanasan si Helen sa pakikipagkaibigan ay parang wala lang sa kanya ang mga kakaibang kinikilos at iniisip ng kaibigan. Pero noong ikuwento niya [ang kaibigan] sa mas malapit niyang kaibigang si Miyuki, biglang nalito si Helen. Doon niya natuklasan na mas malalim ang pagkakakilala ni Miyuki [sa taong pinag-uusapan nila] kaysa pagkakakilala ni Helen dito.
Noong una ay hindi agad pinaniwalaan ni Helen ang sinasabi ni Miyuki na may masama itong pakay sa kanya. Ngunit simula noong maaksidente ang dalaga at ang misteryosong kaibigan nito na muntikang maging mitsa ng kaniyang pagkamatay ay natauhan na rin si Helen. Isa sa mga senaryong gumising sa kanya ay noong akala niyang hihingi ito ng tawad sa kanya ngunit nagkamali siya. Katunaya’y nilayuan pa siya nito, dahil lamang sa aksidenteng kinasangkutan nila.
Simula noong trahedyang iyon ay lubusan na ang pag-iingat ni Helen sa mga taong kakaibiganin niya. Ipinangako niya sa sariling magiging matalas ang kaniyang pakiramdam sa pagbabasa ng pag-iisip ng mga taong pakikisamahan niya. Salamat kay Miyuki, kung hindi dahil sa pagmamalasakit nito ay napabilang sa mga taong napatay ng isang kaibigang mapaninlang.
No comments:
Post a Comment