Magkahalong lungkot at pananabik ang naramdaman ni Mila nang nalaman niya na lumipat na ng tirahan ang kaniyang buong pamilya. Maraming sumagi sa kaniyang isipan... Kaya naman, nang narating na niya ang lugar na iyon, bumalik sa kaniyang alaala ang mga nakaraang pangyayari na nagpabago ng kalagayan nila ngayon.
Hindi biro ang sila ay magpalipat-lipat ng tahanan. Maraming pakikisamahan, at higit sa lahat, isa sa pinakamalaking gugulin sa pamilyang Seperidad ay napupunta sa kanilang pag-upa. Kaya naman sa hindi maiiwasang pagkakataon ay laging naiisip ng dalaga sa paglipas ng mga araw ang tahanang matagal na niyang pinapangarap –– ang tahanang magbibigay sa kanila ng walang hanggang kaligayahan, kapanatagan at kapayapaan.
Sa mga nakaraang araw ay hindi nakasama ng mga magulang si Mila dahil nasa pangangalaga siya ng kaniyang mga kamag-anak. Pinili nilang ipagpatuloy ng dalagita ang ikaapat na taon sa hayskul kapiling ng lolo’t lola niya. Ngunit sa kasamaang palad, sa isang pagkakamali lamang ay pinauwi si Mila at pinagbakasyon pansamantala. Dahil dito, may mga mahahalagang bagay siyang dapat sana ay nagawa ngunit naipagpaliban dahilan ng di-inaasahan. Halos gabi-gabi’y hindi siya makatulog at palaging lumuluha, sa pagnanais na makabalik sa dating kinalalagyan. Gumawa si Mila ng paraan upang muling makabalik sa lugar na pinanggalingan.
“Hindi pa ito ang tamang panahon na dapat ay nandito ako. At lalong hindi pa ito ang tamang oras para sa mga bagay na ito...” ang tanging nasabi ni Mila sa kaniyang sarili. “...ang lalong mahalaga, ay kung papaano ko magagawa ang mga bagay na dapat sana ay nagawa ko sa mga nakaraang panahon...” Lubos na nagsisi si Mila sa kaniyang mga nagawa niyang pagkakamali, kaya naman, ipinangako niya na sa kaniyang sarili na hindi na mauulit pa ang mga ganitong pangyayari.
Sa kabutihang palad ay naipagpatuloy ni Mila ang kaniyang pag-aaral. Nagbunga naman ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan. Nang siya ay nagtapos sa hayskul, siya ang pinangaralang “Ikalimang Karangalang Banggit”. Dahil dito, lubusan siyang nagpapasalamat sa natuklasan sa kaniyang sariling isa ito sa mga biyaya ng Panginoong Diyos sa kanilang buhay.
No comments:
Post a Comment