Showing posts with label maikling kuwento. Show all posts
Showing posts with label maikling kuwento. Show all posts

Tuesday, June 29, 2010

Mansyon

Magkahalong lungkot at pananabik ang naramdaman ni Mila nang nalaman niya na lumipat na ng tirahan ang kaniyang buong pamilya. Maraming sumagi sa kaniyang isipan... Kaya naman, nang narating na niya ang lugar na iyon, bumalik sa kaniyang alaala ang mga nakaraang pangyayari na nagpabago ng kalagayan nila ngayon.

Hindi biro ang sila ay magpalipat-lipat ng tahanan. Maraming pakikisamahan, at higit sa lahat, isa sa pinakamalaking gugulin sa pamilyang Seperidad ay napupunta sa kanilang pag-upa. Kaya naman sa hindi maiiwasang pagkakataon ay laging naiisip ng dalaga sa paglipas ng mga araw ang tahanang matagal na niyang pinapangarap –– ang tahanang magbibigay sa kanila ng walang hanggang kaligayahan, kapanatagan at kapayapaan.

Sa mga nakaraang araw ay hindi nakasama ng mga magulang si Mila dahil nasa pangangalaga siya ng kaniyang mga kamag-anak. Pinili nilang ipagpatuloy ng dalagita ang ikaapat na taon sa hayskul kapiling ng lolo’t lola niya. Ngunit sa kasamaang palad, sa isang pagkakamali lamang ay pinauwi si Mila at pinagbakasyon pansamantala. Dahil dito, may mga mahahalagang bagay siyang dapat sana ay nagawa ngunit naipagpaliban dahilan ng di-inaasahan. Halos gabi-gabi’y hindi siya makatulog at palaging lumuluha, sa pagnanais na makabalik sa dating kinalalagyan. Gumawa si Mila ng paraan upang muling makabalik sa lugar na pinanggalingan.

“Hindi pa ito ang tamang panahon na dapat ay nandito ako. At lalong hindi pa ito ang tamang oras para sa mga bagay na ito...” ang tanging nasabi ni Mila sa kaniyang sarili. “...ang lalong mahalaga, ay kung papaano ko magagawa ang mga bagay na dapat sana ay nagawa ko sa mga nakaraang panahon...” Lubos na nagsisi si Mila sa kaniyang mga nagawa niyang pagkakamali, kaya naman, ipinangako niya na sa kaniyang sarili na hindi na mauulit pa ang mga ganitong pangyayari.

Sa kabutihang palad ay naipagpatuloy ni Mila ang kaniyang pag-aaral. Nagbunga naman ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan.  Nang siya ay nagtapos sa hayskul, siya ang pinangaralang “Ikalimang Karangalang Banggit”. Dahil dito, lubusan siyang nagpapasalamat sa natuklasan sa kaniyang sariling isa ito sa mga biyaya ng Panginoong Diyos sa kanilang buhay.

Monday, March 29, 2010

Ang Nakaraan ... (Isang Maikling Kuwento)

Isang kilalang empleyado ng Pamantasang De La Salle sa Maynila si G. Rio Miranda. Ngunit, pilit niyang tinatakasan ang kaniyang madilim na nakaraan. Labing-anim na taon na ang nakararaan mula nang siya’y lumagay sa tahimik, sa pag-aakalang mapapagaan nito ang suliraning kaniyang hinaharap – ngunit sa halip na makatulong iyon sa kaniyang pagbabagong-buhay ay mas lalo siyang binubulabog ng mga sumunod na nangyari sa buhay niya.

Ito ay dahil sa ang kaniyang nag-iisang anak na si Felize, 16 taong gulang, na Brother President Scholar sa nasabing pamantasan, ay nagdududa sa tunay na pagkatao ng kaniyang ama. Dagdag pa rito ang pagkakaibigang nabuo sa pagitan ng dalaga at ng kamag-aral nitong si Samuel Morris Park, na noong mga panahon na iyon ay 17 taong gulang na.

Bukod kay Samuel, unang nakilala ni Felize sa pamilya ng mga Park ang mga kapatid nito. Buong kagalakan niya noong malamang ang isa sa mga ito ay ipinangalan kay San Juan Bautista de La Salle. Sa kabilang banda, buong pagtataka naman ang naramdaman ng kaniyang puso nang hindi masiyahan ang ama sa ibinahagi niyang kuwento ukol sa pamilya ng mga Park.

Samantala, napakiramdaman ni Rio na mas lalong bibigat ang mga problema niya kung makikipaglapit pa si Felize sa pamilya ni Samuel, kaya nagpasiya siyang higpitan ang dalaga. Sinong ama ba naman ang nasasaktan kapag nakikita niyang nahihirapan ang kalooban ng kaniyang anak? Ngunit masakit man din ito para kay Rio, kailangan niya lang namang pairalin ang kaniyang pagiging ama. Nais lamang niyang maging patas. Ngunit tiyak na hindi ito kailanman mauunawaan ni Felize, lalo na’t nakasalalay rito ang ikakikilala sa kaniya ng kaniyang unica hija.

Ngunit hindi natutulog ang Diyos sa kaniyang mga nakaraang pagkakamali. Sadyang ipinaaalaala na sa kaniya ang kaniyang naging kabuktutan. Mga gawang di niya akalaing magagawa niya. Katunayan, paulit-ulit nang sumasagi sa kaniyang isipan, kaugnay ng kuwento sa kaniya ni Felize, ang mga nasirang pangarap nila ng kaniyang dating katipan 17 taon na ang nakalilipas.

Dahil na rin sa labis na paghihirap ng kaniyang kalooban sa pagkawala nito, inalam ni Rio ang tunay na nangyari. Ang huling nabalitaan niya, nagdadalantao ito nang ikasal at nanganak makalipas ang siyam na buwan. Dahil sa nalamang ito, nagkaroon siya ng pag-asang baka siya ang ama ng dinala nito habang inihaharap ito sa tribuna.
Dagdag pa sa kaniyang mga pasanin ang biglang pagbabago sa pakikitungo sa kaniya ng kaniyang nag-iisang anak. Naging matigas na rin ang ulo nito. Katunayan, ipinagpatuloy nito ang pakikipagkaibigan kay Samuel. Kaya naman isang araw, nagpasiya siyang hanapin si Samuel para ito’y pagsabihan na layuan ang kaniyang anak.

Ngunit iba ang kaniyang inaasahan. Nang makita ang taong pinaiiwasan niya kay Felize ay nakaramdam ito ng lukso ng dugo.

“Napakaliit nga naman ng mundo”, ani Rio. “Nilalapitan na rin ako ng pagkakataon. Ano itong nararamdaman ko? Nakikinita kong may kailangan pa akong malaman tungkol kay Samuel at sa pamilya niya. Kailangan ko nang kumilos!”

Pagkakataon nga naman. Muli niyang nakita si Samuel makalipas ang dalawang araw. Sa layuning makilala pa ito ng husto ay inalok niya itong sumabay sa kanilang mag-ama sa kotse niya. Dahil kilala na siya nito at malapit sa kanya ang kamag-aral na si Felize ay iniisip ni Rio na mapapapayag niya rin ito. At ganoon nga ang nangyari.

Nang narating nila ang simpleng tahanan ng mga Park, ay bumaba na ng sasakyan ang tatlo. Sa paglabas ng Rio ng sasakyan, ay may bumulaga sa kaniyang harapan. Para kay Rio, pamilyar ang taong nilapitan ni Samuel. Tinitigan niya itong maigi. Tama. Tama. Kilala niya ito di lang dahil ina ito ng binata.

Noong batiin niya ito, nagtinginan ang dalawang mag-aaral ng DLSU.

“Kilala mo ang Mommy ko?” buong pagtatakang tanong ni Samuel.


Sadyang mapagbiro ang Tadhana, di lang para kay Rio, ngunit mas lalo para sa taong nakaharap nito.
Sa paghaharap nina G. Rio Miranda at Propesor Chin-Chin Park, nasaksihan ng kanilang mga anak ang mala-korteng pagtatalo nila. Napakiramdaman ni Miss Chin-Chin na muling nag-init ang kaniyang dugo sa ama ni Felize matapos ang 17 taon niyang pananahimik.

Kahit anong pilit nilang pagtakas sa madilim na nakaraan, siya namang pilit na nagbabalik ito para sa kanila.